Aminin na natin. Malaking bahagi ng buhay nating mga Pilipino ang mga soap operas sa telebisyon. Kung ako ang tatanungin, mas gusto ko pang manood ng buwayang natutulog kaysa manood ng mga paikot-ikot na kwento ng mga telenovela. Ngunit, hindi natin maitatanggi ang halaga ng mga teleseryeng ito, lalo na sa mga pangkaraniwang Pilipino. Nakikita ni Ate Inday at ni Manang ang kanilang mga sarili sa mga bidang pobre na nagtratrabaho sa kanilang mga amo. Para sa mga brokenhearted naman, nakakaramdam sila ng panandaliang kilig na dala ng mga romantikong telenovela. Dumarami na rin ang mga teleseryeng tina-target ang mga kabataan, tulad ng tinaguriang fantaserye at ang mga nagtuturo ng moralidad. Kahit na hindi ako malaking tagasuporta ng mga teleserye, lalo na 'yung mga masyadong madrama, may ilang mga soap operas na nakakuha rin naman ng aking interes. Ilan sa mga ito ang aking ibabahagi sa inyo. Nais ko nga lang pala ipabatid na solid kapamilya ako mula noon kaya ang lahat ng mga teleserye sa listahang ito ay pinalabas sa ABS-CBN. Ang mga teleseryeng pinalabas mula taong 2000 lamang ang sinali ko dahil ito lamang ang mga naabutan at naaalala ko. Madalang na rin akong manood ng lokal na channels kaya hindi ko na masyadong natatangkilik ang mga bagong produkto ng ABS. Sigurado akong ang ilan sa mga ito ay alalang-alala niyo pa rin.
Pangako Sa'yo (2000-2002, 480 episodes, Kristine Hermosa at Jericho Rosales)
Sino ba namang makakalimot sa kuwento nina Yna at Angelo? Ito na siguro ang representasyon ng karaniwang telenovelang Pilipino. Nariyan ang kuwento ng nahiwalay na anak ng mayaman na nabuhay nang mahirap. Iibigin ang isang lalaking mayaman. Pipigilan silang magkatuluyan. Makikita ng babae ang kanyang tunay na magulang. Magpapatayan at magkakagirian ang mga tauhan ng kwento. Mahalaga sa akin ito sapagkat ito ang teleseryeng aking unang kinamulatan. Manghang-mangha rin ako noon (hanggang ngayon) sa ganda ni Kristine Hermosa. Ito rin siguro ang masasabi nating pinakakilalang teleseryeng na naipalabas ng ABS-CBN na hanggang ngayon ay hinahanap-hanap pa rin ng mga tao. Kasalukuyang nagkaroon ng re-runs ang teleserye sa Jeepney TV.
100 Days to Heaven (2011, 140 episodes, Coney Reyes, Xyriel Manabat, at Jodi Sta. Maria)
Isa siguro ito sa mga pinakapaborito kong palabas mula sa ABS-CBN. Kakaiba kasi ang konsepto nito at talagang nakakaaliw ang bawat episode. Kaabang-abang din ang napakaraming guesting ng iba't ibang artista at personalidad. Nakakatuwa rin ang pag-arte ni Xyriel Manabat sa malditang si Madam Manalastas. Maganda rin ang bawat aral na mapupulot mula sa mga atrasong inayos ni Ina at ng kanyang sikretong anak pala na si Sophia.
Tayong Dalawa (2009, 178 episodes, Gerald Anderson, Coco Martin, Jake Cuenca, at Kim Chiu)
Nakatatak na sa aking isipan ang pangalang David Garcia, Jr. dahil sa teleseryeng ito. Ang pagkakapareho, hindi lamang sa pangalan, kundi pati na rin sa kanilang mga ambisyon at iniibig ang pangunahing problema ng teleserye. Naaalala ko pa na dahil dito, nagkakatawagan kami ng aking mga kaklase ng "Bok" (ang tawagan sa pagitan ng tauhan ni Gerald at Jake). Dito rin siguro tuluyang sumikat si Coco Martin dahil sa pagganap niya bilang si Ramon. Ang wakas ng kuwentong ito ay patuloy na bumabagabag sa aking damdamin. May pangatlong David Garcia, Jr. pa pala!
Marina (2004, 187 episodes, Claudine Barretto)
Bago nakipagbugbugan si Claudine sa airport, nakilala ko siya noon bilang si Marina. Isa ito sa napakaraming kuwento tungkol sa isang babaeng naging sirena. Ngunit, nagustuhan ko lang itong panoorin noon dahil sa tauhan ni Malou De Guzman na si Dugong. Si Dugong pa rin siguro ang pinakapaborito kong kontrabida at ang kanyang mga eksena talaga ang aking inaabangan.
Walang Hanggan (2012, 203 episodes, Coco Martin at Julia Montes)
Hindi ako madalas manood ng mga love story na kagaya nito dahil ang corny talaga ng dating nito sa akin. Ngunit nang mapilitan akong manood ng Walang Hanggan, nagkaroon ako ng kaunting interes sa kuwento nina Daniel at Katerina. Pero ang talagang kumuha ng aking atensyon ay ang pagganap ni Paulo Avelino bilang ang baliw na si Nathan. Naging katuwaan pa nga namin noon ng aking pinsan ang paggaya sa mga dyalogo at emosyong ipinapakita ni Nathan. Isa rin ito sa mga teleseryeng may pinakamalaking bilang ng manonood na naipakita noong huling episode ng teleserye kung saan nagtrend ito worldwide sa Twitter at napuno ng nakakainis na Walang Hanggan posts ang Facebook.
Super Inggo (2006-2007, 120 episodes, Makisig Morales)
Isa sa mga paborito ko ring fantaserye ang kuwento ni Budong bilang si Super Inggo. Siyempre bilang bata, hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng interes sa mga palabas na may kinalaman sa superheroes at ang kanilang mga superpowers. Napagtanto ko ngayon kung gaano pala kabaduy ang palabas na ito pagdating sa paggawa ng mga tauhan. Kung kakampi mo si Boy Bawang at kalaban mo si Prinsipe ng Kadiliman, hindi ka ba matatawa? Kahit ganoon, nagustuhan ko pa rin ang aksyong ipinapakita ng karakter ni Makisig Morales sa kanyang pakikipaglaban sa pwersa ng kadiliman. Gabi-gabing ko itong inaabangan noon pagkatapos kong mag-aral. Inaabangan ko ang mga maangas na fight scenes at komedya kasama ni Budong at si Pareng Jomar. Nakakatuwa rin ang kalokohan ni Budong pagdating sa kanyang hinahangaan na si Mara, este, si Maya na ginanap ng superstar-to-be na si Kathryn Bernardo.
Krystala (2004-2005, 138 episodes, Judy Anne Santos)
Isa na naman itong superhero series pero babae naman ang bida. Hindi ko alam kung bakit, pero noong bata ako, naging paborito ko rin ito noon. Maraming nagsasabing ginaya lang nito ang "Darna" na ginanap noon ni Angel Locsin. Hindi ko naman napanood ang Darna kaya hindi ko napansin. Tulad din ng Super Inggo, marami ring nakakatawang tauhan dito tulad ng baklang kontrabida na si Terracotta. Sinong mag-aakala na ang malupit sa labanang si Krystala ay mauuwi sa pag-jujudge ng mga luto sa Masterchef ngayon.
Maalaala Mo Kaya (1991 - present, episodes every Saturday, hosted by Charo Santos-Concio)
Alam kong hindi talaga ito teleserye, isa itong drama anthology ng totoong buhay. Gayunpaman, ang MMK ang isa sa mga natitirang programa ng ABS-CBN na aking tinatangkilik pa rin hanggang ngayon kung wala akong magawa sa bahay. Sino ba naman ang hindi interesado sa mga kuwento ng buhay ng ating mga kababayan? Hindi rin naman kasi puro kadramahan ang ipinapakita nito. Kung minsan may komedya, nakakaaliw na love story, at katakot-takot na kuwento rin. Sa lagpas dalawampung taon nang nagbibigay ng kuwento ng buhay, sana hindi ito maubusan at pagsawaan ng mga tao. Iniisip ko nga na kakaiba siguro ang pakiramdam na hindi na si Charo Santos ang host ng programang ito. Habambuhay nang nakatatak sa isipan ng bawat Pilipino ang linyang "Dear Charo".
Da Adventures of Pedro Penduko (2006-2007, 33 Saturday episodes, Matt Evans)
Aaminin ko, gusto ko sanang gayahin ang buhok ni Matt Evans dito. Kahit na tuwing Sabado lamang ito ineere sa telebisyon, ito pa rin siguro ang pinakainaabangan ko sa linggo ko. Iba ito sa mga naunang fantaserye sapagkat tinangkilik nito ang mitolohiya ng mga Pilipino. Sinundan ko ang kuwento ni Pedro Penduko at ang kanyang mga nakalaban. Marami akong natutuhang alamat at mitolohiyang Pilipino na ikinatuwa ko. Maganda na nakikita natin kung ano ba ang mga halimaw na kinatatakutan sa kulturang Pilipino tulad ng aswang, manananggal, kapre, at tikbalang, at kung paano natin sila tatalunin kung sakaling may makasagupa tayo. Ilan ito sa mga teleseryeng hinihiling kong mapanood muli dahil hinding hindi ko ito malilimutan.
Aaminin ko, gusto ko sanang gayahin ang buhok ni Matt Evans dito. Kahit na tuwing Sabado lamang ito ineere sa telebisyon, ito pa rin siguro ang pinakainaabangan ko sa linggo ko. Iba ito sa mga naunang fantaserye sapagkat tinangkilik nito ang mitolohiya ng mga Pilipino. Sinundan ko ang kuwento ni Pedro Penduko at ang kanyang mga nakalaban. Marami akong natutuhang alamat at mitolohiyang Pilipino na ikinatuwa ko. Maganda na nakikita natin kung ano ba ang mga halimaw na kinatatakutan sa kulturang Pilipino tulad ng aswang, manananggal, kapre, at tikbalang, at kung paano natin sila tatalunin kung sakaling may makasagupa tayo. Ilan ito sa mga teleseryeng hinihiling kong mapanood muli dahil hinding hindi ko ito malilimutan.
Lastikman (2007, 90 episodes, Vhong Navarro)
Bago bumalik ang ABS-CBN sa paggawa ng mga masyadong madramang teleserye, naging parte rin ang Lastikman sa sunud-sunod na pag-usbong ng mga fantaserye. Hindi rin ako nadismaya sa naging epekto ng Lastikman sa panonood ko ng TV. Bagamat ilang beses nang ginawan ng kuwento si Lastikman, ang adaptasyong ito ang pinakanaaalala ko. Medyo nabitin ako rito sapagkat ilang buwan lang itong naere bago ito tinapos. Nagustuhan ko pa naman ang mga tauhan dito lalo na iyong mga nakalaban ni Lastikman.
Bago bumalik ang ABS-CBN sa paggawa ng mga masyadong madramang teleserye, naging parte rin ang Lastikman sa sunud-sunod na pag-usbong ng mga fantaserye. Hindi rin ako nadismaya sa naging epekto ng Lastikman sa panonood ko ng TV. Bagamat ilang beses nang ginawan ng kuwento si Lastikman, ang adaptasyong ito ang pinakanaaalala ko. Medyo nabitin ako rito sapagkat ilang buwan lang itong naere bago ito tinapos. Nagustuhan ko pa naman ang mga tauhan dito lalo na iyong mga nakalaban ni Lastikman.