Biyernes, Marso 8, 2013

Pahingi nga ng Sinsilyo!


     Sinsilyo/sensilyo - isang alternatibong pagtawag sa barya. Ginagamit ito mula pa noong panahon ng Kastila ngunit sa kasalukuyan ay nasasapawan na ng "barya". Una kong narinig ang salitang ito mula sa aking nanay noong nagbayad siya ng pamasahe sa jeep. Nagulat ako dahil may ganoong salita pala ang wika natin. Sabi niya ay laganap pa rin naman ang paggamit nito sa mga probinsya, lalo na sa mga Bisaya.

     Kung iisipin natin, parang nakakatawa namang sabihin ito araw-araw. "May pansensilyo ka ba sa isandaan?" "May dala ka bang sensilyong pamasahe?" "Sensilyo lang po sa umaga." Para sa akin, napakaastig sabihin nito. Sen-sil-yo. Parang sa tuwing sinasabi mo ito, bumabalik ang alaala ng panahon ng Kastila. Ito siguro ang halaga ng salitang ito para sa atin. Alam naman natin kung gaano kabigat ang hirap na pinagdaanan ng ating mga ninuno sa kamay ng mga Kastila. Malaking kahirapan ang naidulot ng pamimirata ng mga Kastila sa ating kayamanan. Pinalitan nila ang mga ginintuang sensilyo na tanda ng mga katutubong Pilipino ng kanilang mga pagmumukha sa pilak. Sa tingin ko, naging mahalaga ito sa buhay ng ating mga ninuno sapagkat simbolo ito ng pananakop ng mga Kastila. Kung maaalala natin, inapi ng mga Kastila ang Pilipino sa pamamagitan ng pilit na pagbayad ng buwis (and sedula). Mahirap nang palawakin pa ang kaalaman ng modernong Pilipino sa salitang ito sapagkat ano pa ba ang halaga nito ngayon sa bagong henerasyon kung puwede namang barya na lang ang itawag dito?

     Ang perang ginagamit ng isang bansa ay maaaring maging representasyon ng lipunang ginagalawan nito. Ang mga tao o larawang ginagamit ng ating mga sensilyo noon man o ngayon ay nagbibigay rin ng panilip sa kung ano ang identidad ng isang bansa. Kaya bilang pandagdag sa pag-alala sa salitang sensilyo, inilista ko sa ibaba ang ilan sa mga baryang ginamit natin noon at sa kasalukuyan. Bagamat nagdaan na ang panahon iba sa mga ito, taglay pa rin ng mga ito ang mga alaalang buhat ng panahong kanilang kinabibilangan.


 Barillas noong panahon ng Kastila


 Ilan ang mga ito sa mga sensilyong ginagamit noong panahon pa ng mga Kastila. Naniniwala akong dito natin nakuha ang salitang "barya" (na mula sa "barilla"). Makikita natin ang korona ng maharlika ng mga Kastila. Isa sa mga barillang ito ay tanda ng kapangyarihan ni Reyna Isabella II.

Piso sa panahon ng mga Amerikano


 Makikita natin dito ang larawan ng simbolo ng mga Amerikano, ang agila. Sa kabilang mukha naman nito makikita ang isang babaeng nagpapanday sa harap ng Mayon, bilang simbolo ng pakikipagtulungan ng mag Amerikano sa mga Pilipino.

Limang sentimo mula 1958 hanggang sa kasalukuyan (Si Melchora Aquino ang larawan hanggang 1982)



 Sobrang lupit sana kung si Tandang Sora ang makikita natin sa mga limang sentimong barya imbes na 'yung walang kuwentang butas. Pero di rin naman natin masisisi ang gobyerno dahil sa panahon natin ngayon, wala ka namang mabibili sa limang sentimo, kaya nararapat na nga sigurong pahingain na ang larawan ni Tandang Sora.


Isang sentimo noong 1958 hanggang 2009 (Si Lapu-lapu ang larawan hanggang 1995)


 Akalain ninyo, gumagamit pala tayo noon ng isang sentimo. Hindi tulad ng limang sentimo na namamayani pa rin sa ating lipunan, tuluyan nang naubos ang mga ganitong uri ng sensilyo. Panakip butas na lang siguro ang magiging silbi nito sa atin ngayon. Mabuti na lang at niretiro na rin ito, kundi baka naghimagsik pa si Lapu-lapu mula sa ating mga pitaka.

Sampung sentimo 1967 hanggang sa kasalukuyan (Si Francisco Balagtas ang larawan hanggang 1978)


 Isang bayani na naman ang naglaho mula sa ating mga barya. Bagamat may ilan pa rin namang sampung sentimong umiikot sa ating lipunan, halos wala na rin itong halaga ngayon kundi panukli sa mga non-sense na presyo (P99.90 na mantika). Nakakalungkot isipin na ang sampung sentimo ay unti-unti nang nalilimutan ng mga nakababatang Pilipino, tulad ng mga panitikang naibahagi ni Francisco Balagtas.

Bente singko sentimos 1958 hanggang sa kasalukuyan (Si Juan Luna ang larawan hanggang 1991)


Hindi ko alam kung ano ang mas magandang makita sa bente singko, si Juan Luna ba o isang paru-paro? Hindi ko rin maintindihan kung bakit hindi na natin nilalagyan ng larawan ang bente singko. Ito na lang ang sensilyong mas maliit sa piso na may silbi pa rin sa ating lipunan. Ngayong wala na ang larawan ni Juan Luna sa bentsingko, maaalala na lang siguro siya ng mga kabataan sa pamamagitan ng kanyang Spolarium.

Limampung sentimo mula 1958 hanggang 1994 (si Marcelo del Pilar ang larawan)


 Madaling intindihin kung bakit tinigil na ang paggawa sa limampung sentimos. Hindi na ito praktikal sapagkat may mga bentsingko sentimos naman na pamalit para rito. Ngunit, nakakalungkot din isipin na isang bayani na naman ang hindi na maaalala araw-araw dahil wala na siyang sinsilyong inilalarawan

Dalawang piso mula 1958 hanggang 1994 (Andres Bonifacio, Elpidio Quirino at Jose Laurel bilang mga larawan)



Tulad ng limampung sentimos, tinigil na ang paggawa ng mga dalawang piso dahil impraktikal na ang paggamit nito. Kawawang Elpidio at Jose.

Mga commemorative na barya



Wow! Iilan lang ang mga ito sa mga tinatawag nating commemorative coinage. Wala silang tunay na halaga ngunit nagbibigay ng alaala sa mga importanteng tao o pangyayari. 25 pesos para kay MacArthur. May 1500 at 3000 peso coin para kay Pope John Paul sa kanyang dalawang beses na pagbisita. Mayroon ding 10000 pesos bilang pagpaparangal kay Cory Aquino noong panahon ng EDSA. 


Mga pinagkuhanan ng larawan at ilang impormasyon

http://pinoykollektor.blogspot.com/2011/08/1-peso-u.html

http://pinoykollektor.blogspot.com/2011/08/philippine-coins-type-set.html

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento