Biyernes, Marso 8, 2013

Pahingi nga ng Sinsilyo!


     Sinsilyo/sensilyo - isang alternatibong pagtawag sa barya. Ginagamit ito mula pa noong panahon ng Kastila ngunit sa kasalukuyan ay nasasapawan na ng "barya". Una kong narinig ang salitang ito mula sa aking nanay noong nagbayad siya ng pamasahe sa jeep. Nagulat ako dahil may ganoong salita pala ang wika natin. Sabi niya ay laganap pa rin naman ang paggamit nito sa mga probinsya, lalo na sa mga Bisaya.

     Kung iisipin natin, parang nakakatawa namang sabihin ito araw-araw. "May pansensilyo ka ba sa isandaan?" "May dala ka bang sensilyong pamasahe?" "Sensilyo lang po sa umaga." Para sa akin, napakaastig sabihin nito. Sen-sil-yo. Parang sa tuwing sinasabi mo ito, bumabalik ang alaala ng panahon ng Kastila. Ito siguro ang halaga ng salitang ito para sa atin. Alam naman natin kung gaano kabigat ang hirap na pinagdaanan ng ating mga ninuno sa kamay ng mga Kastila. Malaking kahirapan ang naidulot ng pamimirata ng mga Kastila sa ating kayamanan. Pinalitan nila ang mga ginintuang sensilyo na tanda ng mga katutubong Pilipino ng kanilang mga pagmumukha sa pilak. Sa tingin ko, naging mahalaga ito sa buhay ng ating mga ninuno sapagkat simbolo ito ng pananakop ng mga Kastila. Kung maaalala natin, inapi ng mga Kastila ang Pilipino sa pamamagitan ng pilit na pagbayad ng buwis (and sedula). Mahirap nang palawakin pa ang kaalaman ng modernong Pilipino sa salitang ito sapagkat ano pa ba ang halaga nito ngayon sa bagong henerasyon kung puwede namang barya na lang ang itawag dito?

     Ang perang ginagamit ng isang bansa ay maaaring maging representasyon ng lipunang ginagalawan nito. Ang mga tao o larawang ginagamit ng ating mga sensilyo noon man o ngayon ay nagbibigay rin ng panilip sa kung ano ang identidad ng isang bansa. Kaya bilang pandagdag sa pag-alala sa salitang sensilyo, inilista ko sa ibaba ang ilan sa mga baryang ginamit natin noon at sa kasalukuyan. Bagamat nagdaan na ang panahon iba sa mga ito, taglay pa rin ng mga ito ang mga alaalang buhat ng panahong kanilang kinabibilangan.


 Barillas noong panahon ng Kastila


 Ilan ang mga ito sa mga sensilyong ginagamit noong panahon pa ng mga Kastila. Naniniwala akong dito natin nakuha ang salitang "barya" (na mula sa "barilla"). Makikita natin ang korona ng maharlika ng mga Kastila. Isa sa mga barillang ito ay tanda ng kapangyarihan ni Reyna Isabella II.

Piso sa panahon ng mga Amerikano


 Makikita natin dito ang larawan ng simbolo ng mga Amerikano, ang agila. Sa kabilang mukha naman nito makikita ang isang babaeng nagpapanday sa harap ng Mayon, bilang simbolo ng pakikipagtulungan ng mag Amerikano sa mga Pilipino.

Limang sentimo mula 1958 hanggang sa kasalukuyan (Si Melchora Aquino ang larawan hanggang 1982)



 Sobrang lupit sana kung si Tandang Sora ang makikita natin sa mga limang sentimong barya imbes na 'yung walang kuwentang butas. Pero di rin naman natin masisisi ang gobyerno dahil sa panahon natin ngayon, wala ka namang mabibili sa limang sentimo, kaya nararapat na nga sigurong pahingain na ang larawan ni Tandang Sora.


Isang sentimo noong 1958 hanggang 2009 (Si Lapu-lapu ang larawan hanggang 1995)


 Akalain ninyo, gumagamit pala tayo noon ng isang sentimo. Hindi tulad ng limang sentimo na namamayani pa rin sa ating lipunan, tuluyan nang naubos ang mga ganitong uri ng sensilyo. Panakip butas na lang siguro ang magiging silbi nito sa atin ngayon. Mabuti na lang at niretiro na rin ito, kundi baka naghimagsik pa si Lapu-lapu mula sa ating mga pitaka.

Sampung sentimo 1967 hanggang sa kasalukuyan (Si Francisco Balagtas ang larawan hanggang 1978)


 Isang bayani na naman ang naglaho mula sa ating mga barya. Bagamat may ilan pa rin namang sampung sentimong umiikot sa ating lipunan, halos wala na rin itong halaga ngayon kundi panukli sa mga non-sense na presyo (P99.90 na mantika). Nakakalungkot isipin na ang sampung sentimo ay unti-unti nang nalilimutan ng mga nakababatang Pilipino, tulad ng mga panitikang naibahagi ni Francisco Balagtas.

Bente singko sentimos 1958 hanggang sa kasalukuyan (Si Juan Luna ang larawan hanggang 1991)


Hindi ko alam kung ano ang mas magandang makita sa bente singko, si Juan Luna ba o isang paru-paro? Hindi ko rin maintindihan kung bakit hindi na natin nilalagyan ng larawan ang bente singko. Ito na lang ang sensilyong mas maliit sa piso na may silbi pa rin sa ating lipunan. Ngayong wala na ang larawan ni Juan Luna sa bentsingko, maaalala na lang siguro siya ng mga kabataan sa pamamagitan ng kanyang Spolarium.

Limampung sentimo mula 1958 hanggang 1994 (si Marcelo del Pilar ang larawan)


 Madaling intindihin kung bakit tinigil na ang paggawa sa limampung sentimos. Hindi na ito praktikal sapagkat may mga bentsingko sentimos naman na pamalit para rito. Ngunit, nakakalungkot din isipin na isang bayani na naman ang hindi na maaalala araw-araw dahil wala na siyang sinsilyong inilalarawan

Dalawang piso mula 1958 hanggang 1994 (Andres Bonifacio, Elpidio Quirino at Jose Laurel bilang mga larawan)



Tulad ng limampung sentimos, tinigil na ang paggawa ng mga dalawang piso dahil impraktikal na ang paggamit nito. Kawawang Elpidio at Jose.

Mga commemorative na barya



Wow! Iilan lang ang mga ito sa mga tinatawag nating commemorative coinage. Wala silang tunay na halaga ngunit nagbibigay ng alaala sa mga importanteng tao o pangyayari. 25 pesos para kay MacArthur. May 1500 at 3000 peso coin para kay Pope John Paul sa kanyang dalawang beses na pagbisita. Mayroon ding 10000 pesos bilang pagpaparangal kay Cory Aquino noong panahon ng EDSA. 


Mga pinagkuhanan ng larawan at ilang impormasyon

http://pinoykollektor.blogspot.com/2011/08/1-peso-u.html

http://pinoykollektor.blogspot.com/2011/08/philippine-coins-type-set.html

Miyerkules, Pebrero 27, 2013

10 Memorableng Teleserye

     Aminin na natin. Malaking bahagi ng buhay nating mga Pilipino ang mga soap operas sa telebisyon.  Kung ako ang tatanungin, mas gusto ko pang manood ng buwayang natutulog kaysa manood ng mga paikot-ikot na kwento ng mga telenovela. Ngunit, hindi natin maitatanggi ang halaga ng mga teleseryeng ito, lalo na sa mga pangkaraniwang Pilipino. Nakikita ni Ate Inday at ni Manang ang kanilang mga sarili sa mga bidang pobre na nagtratrabaho sa kanilang mga amo. Para sa mga brokenhearted naman, nakakaramdam sila ng panandaliang kilig na dala ng mga romantikong telenovela. Dumarami na rin ang mga teleseryeng tina-target ang mga kabataan, tulad ng tinaguriang fantaserye at ang mga nagtuturo ng moralidad. Kahit na hindi ako malaking tagasuporta ng mga teleserye, lalo na 'yung mga masyadong madrama, may ilang mga soap operas na nakakuha rin naman ng aking interes. Ilan sa mga ito ang aking ibabahagi sa inyo. Nais ko nga lang pala ipabatid na solid kapamilya ako mula noon kaya ang lahat ng mga teleserye sa listahang ito ay pinalabas sa ABS-CBN. Ang mga teleseryeng pinalabas mula taong 2000 lamang ang sinali ko dahil ito lamang ang mga naabutan at naaalala ko. Madalang na rin akong manood ng lokal na channels kaya hindi ko na masyadong natatangkilik ang mga bagong produkto ng ABS. Sigurado akong ang ilan sa mga ito ay alalang-alala niyo pa rin.


Pangako Sa'yo (2000-2002, 480 episodes, Kristine Hermosa at Jericho Rosales)

     Sino ba namang makakalimot sa kuwento nina Yna at Angelo? Ito na siguro ang representasyon ng karaniwang telenovelang Pilipino. Nariyan ang kuwento ng nahiwalay na anak ng mayaman na nabuhay nang mahirap. Iibigin ang isang lalaking mayaman. Pipigilan silang magkatuluyan. Makikita ng babae ang kanyang tunay na magulang. Magpapatayan at magkakagirian ang mga tauhan ng kwento. Mahalaga sa akin ito sapagkat ito ang teleseryeng aking unang kinamulatan. Manghang-mangha rin ako noon (hanggang ngayon) sa ganda ni Kristine Hermosa. Ito rin siguro ang masasabi nating pinakakilalang teleseryeng na naipalabas ng ABS-CBN na hanggang ngayon ay hinahanap-hanap pa rin ng mga tao. Kasalukuyang nagkaroon ng re-runs ang teleserye sa Jeepney TV.

100 Days to Heaven (2011, 140 episodes, Coney Reyes, Xyriel Manabat, at Jodi Sta. Maria)

     Isa siguro ito sa mga pinakapaborito kong palabas mula sa ABS-CBN. Kakaiba kasi ang konsepto nito at talagang nakakaaliw ang bawat episode. Kaabang-abang din ang napakaraming guesting ng iba't ibang artista at personalidad. Nakakatuwa rin ang pag-arte ni Xyriel Manabat sa malditang si Madam Manalastas. Maganda rin ang bawat aral na mapupulot mula sa mga atrasong inayos ni Ina at ng kanyang sikretong anak pala na si Sophia.

Tayong Dalawa (2009, 178 episodes, Gerald Anderson, Coco Martin, Jake Cuenca, at Kim Chiu)

     Nakatatak na sa aking isipan ang pangalang David Garcia, Jr. dahil sa teleseryeng ito. Ang pagkakapareho, hindi lamang sa pangalan, kundi pati na rin sa kanilang mga ambisyon at iniibig ang pangunahing problema ng teleserye. Naaalala ko pa na dahil dito, nagkakatawagan kami ng aking mga kaklase ng "Bok" (ang tawagan sa pagitan ng tauhan ni Gerald at Jake). Dito rin siguro tuluyang sumikat si Coco Martin dahil sa pagganap niya bilang si Ramon. Ang wakas ng kuwentong ito ay patuloy na bumabagabag sa aking damdamin. May pangatlong David Garcia, Jr. pa pala!

Marina (2004, 187 episodes, Claudine Barretto)

     Bago nakipagbugbugan si Claudine sa airport, nakilala ko siya noon bilang si Marina. Isa ito sa napakaraming kuwento tungkol sa isang babaeng naging sirena. Ngunit, nagustuhan ko lang itong panoorin noon dahil sa tauhan ni Malou De Guzman na si Dugong. Si Dugong pa rin siguro ang pinakapaborito kong kontrabida at ang kanyang mga eksena talaga ang aking inaabangan.

Walang Hanggan (2012, 203 episodes, Coco Martin at Julia Montes)

     Hindi ako madalas manood ng mga love story na kagaya nito dahil ang corny talaga ng dating nito sa akin. Ngunit nang mapilitan akong manood ng Walang Hanggan, nagkaroon ako ng kaunting interes sa kuwento nina Daniel at Katerina. Pero ang talagang kumuha ng aking atensyon ay ang pagganap ni Paulo Avelino bilang ang baliw na si Nathan. Naging katuwaan pa nga namin noon ng aking pinsan ang paggaya sa mga dyalogo at emosyong ipinapakita ni Nathan. Isa rin ito sa mga teleseryeng may pinakamalaking bilang ng manonood na naipakita noong huling episode ng teleserye kung saan nagtrend ito worldwide sa Twitter at napuno ng nakakainis na Walang Hanggan posts ang Facebook.

Super Inggo (2006-2007, 120 episodes, Makisig Morales)

     Isa sa mga paborito ko ring fantaserye ang kuwento ni Budong bilang si Super Inggo. Siyempre bilang bata, hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng interes sa mga palabas na may kinalaman sa superheroes at ang kanilang mga superpowers. Napagtanto ko ngayon kung gaano pala kabaduy ang palabas na ito pagdating sa paggawa ng mga tauhan. Kung kakampi mo si Boy Bawang at kalaban mo si Prinsipe ng Kadiliman, hindi ka ba matatawa? Kahit ganoon, nagustuhan ko pa rin ang aksyong ipinapakita ng karakter ni Makisig Morales sa kanyang pakikipaglaban sa pwersa ng kadiliman. Gabi-gabing ko itong inaabangan noon pagkatapos kong mag-aral. Inaabangan ko ang mga maangas na fight scenes at komedya kasama ni Budong at si Pareng Jomar. Nakakatuwa rin ang kalokohan ni Budong pagdating sa kanyang hinahangaan na si Mara, este, si Maya na ginanap ng superstar-to-be na si Kathryn Bernardo.

Krystala (2004-2005, 138 episodes, Judy Anne Santos)

     Isa na naman itong superhero series pero babae naman ang bida. Hindi ko alam kung bakit, pero noong bata ako, naging paborito ko rin ito noon. Maraming nagsasabing ginaya lang nito ang "Darna" na ginanap noon ni Angel Locsin. Hindi ko naman napanood ang Darna kaya hindi ko napansin. Tulad din ng Super Inggo, marami ring nakakatawang tauhan dito tulad ng baklang kontrabida na si Terracotta. Sinong mag-aakala na ang malupit sa labanang si Krystala ay mauuwi sa pag-jujudge ng mga luto sa Masterchef ngayon.

Maalaala Mo Kaya (1991 - present, episodes every Saturday, hosted by Charo Santos-Concio)

     Alam kong hindi talaga ito teleserye, isa itong drama anthology ng totoong buhay. Gayunpaman, ang MMK ang isa sa mga natitirang programa ng ABS-CBN na aking tinatangkilik pa rin hanggang ngayon kung wala akong magawa sa bahay. Sino ba naman ang hindi interesado sa mga kuwento ng buhay ng ating mga kababayan? Hindi rin naman kasi puro kadramahan ang ipinapakita nito. Kung minsan may komedya, nakakaaliw na love story, at katakot-takot na kuwento rin. Sa lagpas dalawampung taon nang nagbibigay ng kuwento ng buhay, sana hindi ito maubusan at pagsawaan ng mga tao. Iniisip ko nga na kakaiba siguro ang pakiramdam na hindi na si Charo Santos ang host ng programang ito. Habambuhay nang nakatatak sa isipan ng bawat Pilipino ang linyang "Dear Charo".
Da Adventures of Pedro Penduko (2006-2007, 33 Saturday episodes, Matt Evans)

     Aaminin ko, gusto ko sanang gayahin ang buhok ni Matt Evans dito. Kahit na tuwing Sabado lamang ito ineere sa telebisyon, ito pa rin siguro ang pinakainaabangan ko sa linggo ko. Iba ito sa mga naunang fantaserye sapagkat tinangkilik nito ang mitolohiya ng mga Pilipino. Sinundan ko ang kuwento ni Pedro Penduko at ang kanyang mga nakalaban. Marami akong natutuhang alamat at mitolohiyang Pilipino na ikinatuwa ko. Maganda na nakikita natin kung ano ba ang mga halimaw na kinatatakutan sa kulturang Pilipino tulad ng aswang, manananggal, kapre, at tikbalang, at kung paano natin sila tatalunin kung sakaling may makasagupa tayo. Ilan ito sa mga teleseryeng hinihiling kong mapanood muli dahil hinding hindi ko ito malilimutan.

Lastikman (2007, 90 episodes, Vhong Navarro)

      Bago bumalik ang ABS-CBN sa paggawa ng mga masyadong madramang teleserye, naging parte rin ang Lastikman sa sunud-sunod na pag-usbong ng mga fantaserye. Hindi rin ako nadismaya sa naging epekto ng Lastikman sa panonood ko ng TV. Bagamat ilang beses nang ginawan ng kuwento si Lastikman, ang adaptasyong ito ang pinakanaaalala ko. Medyo nabitin ako rito sapagkat ilang buwan lang itong naere bago ito tinapos. Nagustuhan ko pa naman ang mga tauhan dito lalo na iyong mga nakalaban ni Lastikman.

Biyernes, Pebrero 22, 2013

The Ateneo Way

    Ano nga ba ang "The Ateneo Way"? Ito ba iyong sinasabi nilang "men and women for others"? Para sa akin hindi ko pa rin talaga alam kung ano nga ba ang "The Ateneo Way". Ngunit hindi ito ang pangunahing paksa ng blog post na ito. Napansin ko na ang Ateneo siguro ang unibersidad sa Pilipinas na may pinakamaraming cliques o sub-cultures. Ang clique o sub-culture ay isang grupo ng tao na magkakapareho ang interes, ugali, o uri ng pamumuhay. Mahirap mamuhay ng buhay kolehiyo kung wala kang mga taong makakasama sa iba't ibang hamon at tagumpay. Simula freshman year pa lang ay maghanap ka na ng mga taong magugustuhan mong kasama habang nasa kolehiyo.

     Nais ko ring ipahayag na noong nabasa ko ang "El Bimbo Variations" ni Adam David, naisipan ko gawin itong blog post na ito. Ang akdang iyon ay isa sa mga naging paborito ko nang babasahin dahil sa kakaibang uri ng pagsulat at aliw na dala nito. Sinubok kong gamitin ang istilo ni Ginoong Adam David sa pagpapakita ng iba't ibang cliques ng Ateneo. Kung naharap ang isang tao sa  isang sitwasyon, ang kanyang reaksyon ang maaaring magpakita ng kung anong clique ba siya nabibilang. Kaya para sa blog na ito, ang sitwasyon natin ay ito: Naibalik na ang LT na pinaghandaan mong mabuti sa klase, isang malaking F ang tumambad sa iyong mga mata. Ano kaya ang reaksyon ng taong kabilang sa isang clique? 

Kathang isip lamang ang mga ito at wala akong intensiyong manghusga o manlait ng tao; biro lamang ang mga ito.



Kuwatro Kid
     Mali pala ang papel na naibigay sa kaniya. Imposibleng magka-F ang isang kuwatro kid.

Anime Geeks
     Magmumura sila sa wikang Hapon at maglalaro ng Yu-Gi-Oh kasama ang mga kaibigan pagkatapos ng klase.

Hipster
     Sinadya niya raw na magka-F dahil masyadong mainstream ang pumasa.

Spoiled brat
     "OMG! Noooo, what the hell? I can't believe this. Oh my gawwd!" Sabay dabog at magtataray buong araw.

Party Pips
     Maghahanap sila ng party na mapupuntahan at tuluyang maglalasing at magdidisco hanggang umaga.

Iskolar
     "Kailangan kong bumawi, baka mawala ang scholarship ko kapag nagtuluy-tuloy ito."

Dormer
     "Buti na lang malayo ang mga magulang ko."

Art Junkies
     Magpipinta siya upang maipakita ang kaniyang mga emosyon.

Music Junkie
     Magjajamming sila ng mga kapwa niyang music junkie o di kaya'y gagawa ng bagong kanta.

Batugan
     Nagulat siyang nagkaroon siya ng marka.

Varsity player
     Babawiin niya ang kaniyang pagkabagsak sa laro niya bukas.

Komedyante
     "Pataasan na lang tayo, oh!"

Dollhouse divas
     "Anetch ba naman itey? Kalurkey!"

Conyo
     "Oh man. Dude, I got, like, an F. I wanna make awa to sir later."

Mayaman o sikat
    Bibili siya ng bagong damit o sapatos upang makalimutan ito. Mayaman pa rin siya kahit bumagsak siya. Itatago niya ang kaniyang marka upang hindi kumalat sa mga tao.

Emo
     Titingnan niya ito bilang pagpapaalala na walang silbi ang kaniyang buhay. Hindi na siya mag-aaral kailanman sapagkat alam niyang babagsak pa rin naman siya.

Karaniwang Estudyante
     Sari-saring mura at pighati, ngunit maya-maya ay okay na siya. Mag-iinuman kasama ang mga kaibigan sa labas o di kaya'y uuwi at maglalaro.

Choir/Theatre Members
    Ibubuhos ang lungkot sa pag-audition sa inihahandang dula o musikal.

Gamer
    Ibubuhos niya ang kaniyang pighati sa labintatlong oras na paglalaro ng PS3. Magyayaya ng DOTA kasama ang mga kaibigan.

International Students
    Wala silang paki. Hindi naman sila tagarito eh. Hindi naman ito makakaapekto sa kanila sapagkat babalik pa rin naman sila sa kanilang pinanggalingang bansa.

Mga lakwatsero
      Lalabas ng Ateneo para mamasyal upang makalimutan ang problema.

Overachiever
     Iiyak siya ng ilang oras at madidismaya sapagkat hindi na sila perpekto. Proproblemahin nila ito at kukulitin ang propesor kung tama ba ang pagkakabilang sa kaniyang papel.

Miyembro ng Christian Group
     Idadasal sa Diyos na siya ay tulungan upang makabawi sa susunod na exam.

Nerds/ Book Worms
     Babasahin na ang susunod na aralin upang hindi na bumagsak ulit.

Mga "weird" na estudyante
     Biglang magsasalita sa harap ng klase na hindi siya natutuwa sa kaniyang nakita. Maaari niya ring punitin ang kanyang exam pagkakita pa lamang nito.

Loner
     Hindi siya makikipagshare sa kaniyang mga kaklase at tatahimik na lang. Pagkatapos ng klase ay lalabas agad at magmumukmok mag-isa.

Propesor
     Bibigyan niya ng napakahabang talumpati ang mga estudyante. Papaalalahanin niya rin ang mga ito kung tama nga ba ang pinili nilang kurso.

Biyernes, Pebrero 15, 2013

Homophonic Tanaga, Dalit, at Diona

    
 Alam na nating maaaring sumasagisag ang salita sa kaisipan, bagay, imahen o ibang salita. Binigyang tuon ko ang tunog ng salita sa pagproproseso ng bagong post. Ang tunog ay hindi natatangi dahil maaaring may kaparehong tunog ang salita sa ibang wika ngunit iba ang kahulugang tinataglay nito. Ito ang tinatawag natin na homophone. Sinubok kong haluin ang konsepto ng homophone sa tatlong tulang Pilipino, ang tanaga, dalit, at diona.   Ginamit ko ang mga salita at ekspresyong mula sa wikang Ingles upang iparinig sa inyo ang mga nakatagong salitang Filipino.


Mga Puna:

 1. Naisipan ko na ang paggamit sa ganitong istilo ng pagsusulat bago ko pa man mabasa ang "El Bimbo Variations" ni ginoong Adam David, kung saan ang isa sa mga variations ay gumagamit rin ng homophones.

 2. Ang tugmaan ng mga tula ay nakabatay sa salitang Filipino na mahuhugot ninyo mula sa tunog ng mga salitang Ingles. Hindi rin saktong-sakto ang mga tunog na naililikha ng salitang Ingles, kaya kayo ang bahalang humusga kung ano ang pagsalin nito sa wikang Filipino. (Halimbawa: "a free" at "campee" - "api" at "kampi").

3. May ibang salita na nahihiwalay ng mga bantas o pangunugusap.

4. Puwede mong i-comment ang kung sa tingin mo ang tamang pagsasalin.



TANAGA

Bus, a hen, moo, thaw, owl, lit.
Car, who law? Gangnam, if it. 
Bee, big, young bang! Pop, fury?
Mug the doll. A nun neaty.



DALIT

Eeek, aw, bah! Hey, maroon on, now?
Mother Lee, lung numb. Man pal, how?
Pin a wish. Anne nabbed a key, yo!
Call a mute. Tan and probe lemma.



DIONA

Ease, a dollar. What, that low?
Top oozin'! A bath, eat, oh,
Sail a mat. Say "pug buzzer"!



Huwebes, Enero 24, 2013

100 Bagay na Hindi Ko Maipaliwanag o Maintindihan


Bilang tao, bawat isa sa atin ay may sariling pagpapakahulugan o pagpapaliwanag sa mga bagay-bagay na ating nakikita, naririnig, nararamdaman o pinagdadaanan na bunga ng mga karanasan natin sa buhay. Iba-iba ang ating pinanggalingan, pinagaralan, kinalakihan, at kinamuwangan. Tulad ng panitikan, walang tiyak o iisang kahulugan na mayroon ang bawat tao sa mga elemento ng buhay. Isa rin sa mga mahalagang magawa ng panitikan ay ang pagpukaw sa interes at pag-iisip ng mga tumatangkilik nito. Bilang panimula sa aking blog, ibinabahagi ko ang ilan sa mga bagay o tanong na hanggang ngayon, hindi ko pa rin mabigyan ng kahulugan o sagot. Sigurado akong mayroon sa inyong napa-isip na rin ng mga bagay na ito, kaya sama-sama tayo sa pagtuklas ng mga sagot sa isandaang bagay na hindi ko maipaliwanag o maintindihan.

1. Sino ba si Victoria at ano ang kaniyang secret?
2. Bakit paborito nina B1 at B2 ang scrambled eggs?
3. Bakit "blackboard" ang tawag sa pisara samantalang hindi naman ito itim?
4. Bakit damang-dama ni Ate Inday ang pinapanood niyang teleserye?
5. Bakit hindi bilog ang boxing ring?
6. Ano ang silbi ng mga "cooling crystals" sa toothpaste gayong hindi naman lumalamig ang aking bibig kapag ginagamit ko ito

7. Bakit palaging magkaaway ang asawa at ang biyenan?
8. Bakit may mga taong umaabot ng isang libong tweet sa isang araw?
9. Bakit kung close kayo, open kayo sa isa't isa?
10. Lunchbox pa rin ba ang tawag dito kung nilagyan ko ito ng almusal?
11. Kung sumigaw ka pero wala namang nakarinig, gumawa ka pa rin ba ng ingay?
12. Bakit maraming plastik na tao?
13. Bakit hindi mawawala ang mga naka-pose ng peace sign sa group picture?
14. 'Yung mga taong feeling pogi o maganda na picture nang picture sa sarili, at pagkatapos ay ipopost lahat sa facebook.
15. Bakit kapag kinakabahan ka, natatae ka?
16. 'Yung mga pagkakataong malakas pa rin ang sinag ng araw pero umaambon.
17. 'Yung mga taong nagsasabi ng "bahala ka" kung pinapapili mo sila, pero nagagalit naman kung ayaw nila 'yung pinili mo para sa kanila.
18. Ilang taon na ang nakalipas, ngunit hindi ko pa rin mahanap ang kahalagahan ng Trigonometry sa buhay ko.

19. Bakit mas madaldal ka sa chat o text?
20. Bakit, kung minsan, sobrang nakakatamad gumawa ng kahit ano, kahit magsalita.
21. Bakit may mga tao na OA sa mga pangyayari at hindi gumagamit ng utak bago mag-react?
22. Gatas na choco ba o choco na gatas ang Bear Brand Choco?
23. Laging number one worldwide ang kahit anong produkto sa commercials.
24. Bakit binigyan ng Diyos ang ipis ng mga pakpak?
25. Bakit Bebe Gandanghari ang ipinangalan ni Rustom sa sarili nya?
26. Bakit kahit saang bansa ka pa pumunta, kahit sa gitna ng disyerto, may mga Pilipino pa rin?
27. Bakit kapag may lumabas ng kwarto mo, at hindi nila nasara 'yung pinto, titigilan mo ang ginagawa mo, at isasara ang pinto nang pagalit?
28. Ano ang silbi ng brush sa gilid ng mga escalator? Panlinis ba ito ng sapatos?
29. yUn6 m6A P33pZ N4 n4Gtet3xt, nG gan2.
30. Bakit malaya pa rin ang mga Ampatuan?
31. Botong-boto ang mga Pilipino sa isang kandidato pero kapag nanalo, biglang babatikusin ang lahat ng kanyang ginagawa?
32. Pinipilit gawing sampuan ang dyip, kahit na mismong si Tinkerbell ay hindi na makaupo.
33. Bakit may mga taong biglang natatawa kapag nagrerecite, kahit seryoso 'yung sinasabi nila?
34. Bakit may mga taong kayang manakit ng bata?
35. Bakit kailangan pang humingi ng mga taxi drayber ng pandagdag sa bayad gayong may metro naman sila?
36. Ano ang ibig sabihin ng tatlong maliit na orasan sa mga mamahaling relo?
37. Bakit madali makipagkaibigan ang ibang tao?
38. Bakit "building" pa rin ang tawag sa gusaling nakatayo na?
39. Bakit may kagat 'yung logo ng Apple?
40. Bakit "magnanakaw" pa rin ang tawag sa taong nagawa na ang pagnanakaw?
41. Bakit ayaw pang umamin ni Tito Sotto na mangongopya siya?
42. Bakit may mga taong magaling sa maraming bagay, kahit sabay-sabay pa nilang gawin ang mga ito?
43. Kung nilampasan mo ang International Date Line sa araw ng iyong kaarawan, dalawang beses ka bang tumanda ng isang taon?
44. Paano ipinasok ang hangin sa loob ng bubble wrap?
45. Gusto nating magbakasyon na, pero pagdating ng bakasyon, gusto nang pumasok.
46. Paano nagkakaroon ng "love at first sight" kung "love is blind"?
47. Ang walang sawang paggawa ng mga sequel ng pelikulang laos na.
48. Paano sumikat si David Guetta?
49. 'Yung mga Pilipinong nakaapak lang sandali sa States, grabe na magyabang pagbalik sa Pilipinas.
50. Bakit 'di ako makatulog kapag wala akong kumot?
51. Bakit bawal sa billboard ang mga babaeng naka-bikini, pero ang mga lalaking naka-brief p'wede?
52. Bakit 'yung mukha ni Anne Curtis nasa lahat na lang ng bagay at lugar?
53. Bakit may marka ang NSTP gayong pagseserbisyo ito?
54. Bakit kaunti na lang ang mga programang may kinalaman sa musika sa MTV?
55. Ano ang magandang madudulot ng panonood ng reality TV shows?
56. Ang liriko ng "Smells Like Teen Spirit" ng Nirvana
57. Bakit may mga taong gustong pagdaanan ang lahat ng pagreretoke sa mukha o katawan gayong mas lalo naman silang pumapangit?
58. Bakit wala na ang "Double Down" sa menu ng KFC?
59. Kung nagbiro ako sa harap ng mga magulang ko, nagiging life lesson ito.
60. Bakit pabaduy nang pabaduy ang MMFF kada taon?
61. Bakit ganoon magsalita si Mike Enriquez?
62. Kahit napakaganda ng pagkakatabi ko ng earphones sa aking bulsa, mas nakabuhol pa ito kaysa sa bituka natin kapag kinuha ko na.
63. Ayaw kong kumain ng pinya, pero paborito ko ang pineapple juice.
64. Kapag sa kotse ako natutulog, napakarami kong panaginip.
65. Kung abala ang mga taong tinetext ko, paano nila nagawang mag-reply sa text ko na "I'm busy" ?
66. Bakit may mga taong mukhang labing-walong taong gulang na, pero katorse anyos pa lang pala.
67. Bakit may mga taong naka-shades sa loob ng mall?
68. Bakit sa mga nakaraang taon, ang lamig ng panahon sa Enero at bumabagyo sa Mayo?
69. Gusto ng mga taong ma-impeach si Erap noon, pero noong nakaraang eleksyon, muntika na siyang manalo ulit.
70. Bakit hindi natutuyo sa loob ng bote ang glue?
71. Noong Grade 1, nag-practice kaming magkulay ng crayon na puti...sa puting papel.
72. P'wede bang maging "junior" ang isang babaeng ipinangalan sa nanay niya?
73. Para saan 'yung butas sa gitna ng mga brip?
74. Bakit walang balbas si Tarzan? Paano siya nag-aahit?
75. Sino ang pinakaunang bakla sa kasaysayan ng mundo?
76. Bakit mas matalino si Goofy kay Pluto gayong pareho naman silang aso?
77. Paano nananaginip ang mga bulag?
78. Bakit "Tasty" ang tawag sa tinapay na nilalagyan ng palaman para magkalasa?
79. Bakit kalahati ng laman ng mga titsirya ay hangin?
80. Kapag ang halo-halo hindi mo hinalo, halo-halo pa rin ba ito?
81. Bakit hindi makilala ng mga tao na si Clark Kent ay si Superman gayong salamin lang ang pantago niya sa kanyang identidad?
82. Kung sinadya mong pumalpak sa isang gawain, at nagawa mong gawin ito, pumalpak ka ba o nagtagumpay?
83. P'wede ka bang umiyak sa ilalim ng tubig?
84. Kung bingi ang suspek sa isang court trial, court hearing pa rin ba ito?
85. Bakit pareho ang tono ng "Alphabet Song", "Baa, Baa, Black Sheep", at "Twinkle, Twinkle, Little Star"? Plagiarism ba sila ng isa't isa?
86. Kung magkakaroon ng lethal injection, nililinis pa ba yung mga karayom?
87. Kaya mo bang huminga gamit ang bibig at ilong nang sabay?
88. Bakit mo ito sinubok na gawin?
89. Paano umuuwi ang mga nagtratrabaho sa toll gate ng mga expressway?
90. Anong boses ang maririnig ng mga bingi kapag nag-iisip sila?
91. Bakit kapag hinampas mo ang low-bat na remote, gagana uli ito?
92. Kung ang lason nag-expire, lason pa rin ba ito?
93. Ano ba ang kamatis? Prutas ba ito o gulay?
94. Bakit walang letter grade na "E"?
95. Kung ang hindi makakita ay bulag, ang hindi makarinig ay bingi, ang hindi makapagsalita ay pipi, at ang hindi makaramdam ay manhid, ano ang tawag sa taong walang pang-amoy?
96. Sino ba si Big Brother?
97. Kailan nagdiriwang ng karaawan ang mga taong ipinanganak sa araw ng Pebrero 29?
98. Bakit kapag tinitigan mo ang isang salita at paulit-ulit na ibinigkas, nagmumukha itong pangit?
99. Bakit ang salitang "mga" lamang ang may kakaibang pagbaybay sa Wikang Filipino?
100. Ang mga babae.


Salamat nga pala sa mga tumulong para mabuo ang listahang ito:
  • Sa mga kaibigan kong sina Paolo Cari, Arby Banzon, AJ De Lara, Miguel Bengzon, at ang iba pang mga mabubuting loob na hindi ko na maalala
  • Sa mga taong hindi ko nakilala at nasalubong ko lang sa daan pero nakapagbigay ng mga ideya sa akin dahil sa kanilang mga kilos o itsura
  • Sa mga artista, pulitiko, at television networks na patuloy tayong binubuhusan ng mga kalokohang mahirap ipaliwanag
  • Ang website ng http://www.crazythoughts.com at http://www.unexplained-mysteries.com na tumulong magbigay ng ilang ideya sa akin
  • Si Scooter Magruder ng Youtube channel na "ScooterMagruder" na nagbigay ng inspirasyon sa akin na gumawa ng listahang ito